I believe in second chances. It is the story of my life. Thus the title of this blog.
Take Two is all about my reflections as a senior citizen, parent, husband, friend, and God's child. I want to tell others that life is not just a one-shot deal from God. That there is life after a botched marriage, a failed vocation, a broken relationship or even after a life-threatening illness; that God's love is unconditional ready to give us a second chance, or even a third, fourth, ad infinitum...

Friday, April 10, 2009

Reflection on the third last word of Jesus on the cross

I was one of seven lay persons chosen in our parish to share our reflections on the Seven Last Words of Jesus on the cross today, Good Friday.

Below is the Tagalog version of my sharing.

“Ina, masdan mo ang iyong anak…”

“Sana ako na lang.” Ang mga katagang ito ay madalas nating naririnig bigkasin ng isang Ina kapag may sakit ang kanyang anak o kung nakikita niya ang kanyang anak sa bingit ng kamatayan.

Habang pinagninilayan ko ang tagpong ito kung saan tahimik na pinagmamasdan ng Inang Maria ang kanyang anak na unti-unting nanghihina sa hirap at sakit na kanyang dinadanas, napagtanto ko na ang mga salitang “Sana ako na lang” ang maaring nananahan sa kanyang isipan at nais mamutawi sa kanyang mga labi sa mga sandaling iyon ng kanyang pagdadalamhati.

At habang nagtatagal ako sa aking pagninilay, lalong nagiging maliwanag sa aking isipan na kung maigi nating pag-tutuunan ng pansin ang eksena ng crucifixion ni Jesus sa paningin ng kanyang Ina, lalo lamang tumitindi ang ating pangingilabot. Sapagkat sa lahat ng uri ng kamatayan, ang pagkamatay ng isang anak na marahil ang siyang pinakamasakit sa isang magulang…, lalo na sa isang Ina. Lalo na kung nakikita niya sa kanyang harapan ang unti-unting pag-panaw ng anak dulot ng matinding hirap sa pagkakapako sa krus.

Salamat sa Diyos at bilang isang magulang ay hindi pa ako nakakaranas ng pagkamatay ng isang anak. Marahil ay alam niyang hindi ko kaya man lang isipin na mamatayan ako ng isang anak. Gaya na rin ng aking nasirang Ina na madalas sabihin ang ganito: “Wala akong ipinanalangin sa Panginoon kundi sana’y hindi ko maranasan na mauna ang anak kong mamatay kaysa akin.” Hindi daw po niya kayang makita ang kanyang anak na mamatay; hindi daw niya kayang maglibing ng anak.

Naalala ko rin tuloy ang sinabi ng isang inang namatayan ng anak: “Sa ordinaryong takbo ng buhay, ang anak ang naglilibing sa kanyang magulang. Kaya matatanto mo ba kung ang Ina ang maglilibing sa kanyang anak?” Mayroon din akong narinig na isang ina na nagtanong sa tindi ng kayang pagdadalamhati: “Kapag ang anak ay nawalan ng magulang, di ba tinatawag natin siyang ulila? At kapag ang isang asawa ay namatayan ng kanyang kabiyak, hindi ba tinatawag natin siyang balo? Subalit, mayroon ba tayong maitatawag sa isang ina na nawalan ng anak? WALA! Sapagkat walang angkop na salita sa ating bokabularyo upang maisalarawan ng tama ang pighati ng isang Ina na namatayan ng anak!

Dahil diyan ay wala ding makauunawa marahil ng dalamhating nadarama ng mahal na birheng ina sa tagpong ito sa kalbaryo. Sino ang makauunawa ng matindig pighati ni Maria samantalang pinagmamasdan niya ang mga huling sandali ng kanyang pinakamamahal na anak.

Ito ay walang iba -- kundi ang kanyang Anak na rin!

Subalit, ano ang magagawa sa sandaling ito ng anak para sa kanyang Ina? Ano ang kanyang maiiwan sa Inang mahal kung siya ay wala na? Paano niya lulunasan ang kanyang pighati? Paano niya mapararangalan ang Inang kanyang itinatangi?

At sa pagkakataong ito, nagsalita ang anak at binigkas ang kanyang huling habilin sa kanyang Inang pinakamamahal upang ipaalam sa kanyang ina ang pagunawa sa kanyang pagdadalamhati at ipadama ang kanyang pagmamahal hangang sa kabilang buhay. At sinabi ni Hesus: “Babae, hayan ang iyong anak.”
Sa puntong ito ay tila baga nagkaroon ng pangalawang annunciation. Kung sa unang annunciation, si Maria ay naging Ina ng Mananakop, sa pangalawang annunciation na ito si Maria ay naging Ina nating lahat. Kung baga ay sinabi ni Hesus sa kanyang Ina: “Ayan siya na aking minamahal upang sa iyo ay magmahal at upang iyo ding mahalin. Isang kapatid na nakakakilala sa akin. Isang anak na magtataguyod at magbibigay sa iyo ng kaaliwan. Isang tao na kayang makihati sa iyong pagdadalamhati. Ituring mo siyang iyong anak magmula ngayon.”

Subalit hindi dito nagtapos ang pangalawang annunciation. Upang makasiguro na naiintindihan nating lahat ang kanyang huling habilin, ibinaling ni Hesus ang kanyang pansin sa kanyang kaibigan at itinuturing na kapatid at idinugtong ang mga katagang ito: “Anak, narito ang iyong Ina.” Kung baga ay sinabi ni Hesus kay San Juan na kumakatawan sa ating lahat: “Narito ang iyong Ina, siya na nagdala sa akin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan at nagpalaki sa akin, siya na nagpahid ng aking luha kung ako’y nasasaktan, siya na yumakap sa akin at humalik ng aking sugat kapag ako’y nadarapa. Siya magmula ngayon ang iyong Ina. Alagaan mo siya para sa akin, mahalin mo siya halintulad sa iyong tunay na Ina.”

Mga kapatid: ito ang huling habilin ni Hesus kay Maria at sa ating lahat, ang huling habilin ng isang taong sa pagkakataong ito ay malapit ng mamatay. Sinasabi sa atin na hindi natin dapat bale-walain ang huling habilin ng isang taong nasa huling sandali ng kanyang buhay.

“Ina, masdan mo ang iyong anak” Ang Mahal na Birheng Maria, ating Ina, ay paulit-ulit ng ipinahahayag sa ating lahat na siya ang ating Ina – sa Fatima, sa Lourdes at iba pa. Paulit ulit din niyang ipinadama sa ating buhay ang kanyang pagka-ina nating lahat. Ginampanan na niya ang huling bilin ng kanyang anak.

“Anak, masdan mo ang iyong Ina.” Samantala, ikaw at ako, tayong lahat ba ay ganun din? Isinagawa na ba natin ang huling habilin ni Hesus sa ating lahat? Inangkin at isinabuhay na ba natin si Maria bilang isang tunay na Ina?

Panalangin:

Panginoong Hesus, ang larawan ng iyong Ina sa paanan ng cruz ay tumimo ng malalim sa aking puso. Sa sandaling iyon ikaw ay hindi lamang isang Manunubos na unti-unting nawawalan ng hininga alang-alang sa aming mga kasalanan. Ikaw din ay isang tunay na tao gaya namin, isang anak na may ina.

Panginoon, paano kita mapasasalamatan sa lahat ng iyong paghihirap at sa pagbibigay mo sa akin ng iyong Ina? Walang sapat na salitang mamutawi sa aking mga labi. Ganun pa man, iniaalay ko ang aking masidhing pasasalamat sa lahat ng iyong paghihirap. Ibinibigay ko sa Iyo ang aking puso, pag-ibig….at lahat ng akin sapagkat ibinigay mo rin ang iyong lahat sa akin. Amen.


0 comments: